Sarah Geronimo, nagsulat ng apology letter para sa kanyang magulang

OPEN SECRET na sa mundo ng showbiz ang lamat sa pagitan nina Sarah Geronimo at ng kanyang mga magulang. Kahit na kilala ang Popstar Princess sa pagiging private pagdating sa kanyang sentimyento pagdating sa pamilya, naging bukas ito sa kanyang saloobin sa pamamagitan ng pagpost ng isang lengthy letter sa kanyang Instagram stories noong October 29.

Sarah Geronimo

Sa umpisa ng kanyang pambihirang liham ay kinamusta niya muna ang kanyang mga tagahanga na noong araw na iyon ay nakararanas ng pangamba dahil sa hagupit ng Bagyong Paeng.

“Gusto ko kunin ang pagkakataon na ito, sa paraan din na ito, na humingi ng tawad sa aking pamilya na labis na nasaktan sa aking mga naging desisyon sa buhay. Patawad po,” sulat ni Sarah.

“Araw-araw ko po kayo nami-miss at naiisip.”

Kalauna’y ibinahagi nito ang ilan sa mga aral na kanyang natutunan katulad ng pagtanggap na ang buhay ay hindi perpekto, pagpapakumbaba at ang importansya ng pamilya kahit na may mga hindi napagkakaunawaan.

“Ang pamilya ay binuo ng Diyos, at patuloy itong magiging buo kung pagmamahal at pagpapakumbaba ang paiiralin sa ating mga puso ano man ang pagkakaiba o maging choices, desisyon sa buhay ng bawat isa,”

“‘Wag po natin kakalimutang pahalagahan ang bawat oras at pagkakataon na binibigay sa atin ni Lord para maiparamdam sa ating mga mahal sa buhay kung gaano sila kahalaga, kung gaano natin sila kamahal,”

“Malayo man sila o malapit, yakapin natin sila nang mahigpit sa pamamagitan ng pagtanggap at pagpili sa kanila,” sambit pa niya.

Patuloy niya, “Para sa inyo ang aking muling pagyakap sa musika at pagkakataon na muling makapagbigay ng saya at inspirasyon sa ibang tao.”

Matatandaan na ikinasal si Sarah sa kanyang asawa na si Matteo Guidicelli noong February 2020 na hindi alam ng kanyang pamilya.

Sana ay umpisa na ito ng bagong kabanata ng pagpapatawad sa Pamilya Geronimo at Guidicelli!

Previous articleVLOG WATCH: Janine Gutierrez, ready to settle down?
Next articleSam Milby at Beautederm magkatuwang bilang health advocate para sa Pilipino