NAG-VIRAL noon sa social media ang pangalang Francis Leo Marcos na naghahamon sa lahat ng bilyonaryo sa bansa na para magbigay ng tulong sa mga mahihirap na Pilipino na apektado ng pandemya dahil sa covid-19. Tinawag niya itong ‘Mayaman Challenge’ at nagpakita pa siya ng video ng isang truck na punumpuno ng mga sako ng bigas na ipamimigay niya raw sa mga mahihirap.
Milyon ang naging views ng vlogs ni Francis at pinag-usapan talaga nang husto iba’t ibang group chats. Kaya lang, habang marami ang pumupuri sa kanya, may hiwalay namang trending topic about him na may kinalaman sa tunay niyang pagkatao. Hindi raw Francis Leo Marcos ang tunay nitong pangalan kundi Norman Mangusin. Wala rin daw kaugnayan si Francis sa mga Marcoses.
Just recently, isang businesswoman na nagngangalang Mary Ann Faustino Victori ang nagsalita tungkol sa panloloko sa kanya ni Mangusin. May larawan pa si Mary Ann kasama nito na tila kuha sa isang five-star hotel.
“Oo, scammer siya! Isa ako sa na-scam at marami pa kaming local and International supporters,” pagdidiin ni Mary Ann na umaming isa siya sa nag-participate sa ‘Mayaman Challenge’ ni FLM.
“Noong una ay nag-donate ako ng 100 sakong bigas, donation ko yun. Pero nung mga sumunod, ayon umutang na siya sa akin ng malalaking halaga. Pirmado niya kaya wala siyang lusot. This time, utang na hindi na donation,” kuwento niya.
Patuloy ni Mary Ann, “Sino ba naman ang mag-aakalang scammer siya, eh, binibigyan ako ng magarang kwarto sa isang hotel. Papaniwalain ka talaga na isa siyang Marcos at siya ang may hawak ng susi sa mga ginto ng Marcoses.
“Pero ito ang tatandaan ninyo, walang Francis Leo Marcos, ang mayroon ay Norman Mangusin na nakakulong ngayon.”
Si Marcos ay naaresto na rin noong 2016 dahil sa kasong estafa pero nakalaya pagkatapos makapagpiyansa.
“Kaya ako nagsasalita dahil binabaliktad nila ako, na ako raw ay may utang sa kanya ng P12M. Ganyan ang style ng mga humahawak ng social media ni Norman Mangusin, babaliktarin ka nila, grabe sila at tinatawag pa nila akong lawlaw, gusgusin, etc,” himutok pa ng businesswoman.
May mensahe din siya sa mga kababayang OFWs na nagpapaloko pa rin hanggang ngayon kay FLM.
“Ito lang ang gusto kong malaman lalo na ng mga kababayan nating OFWs na patuloy pang naloloko sa grupo ni FLM, may mga tao pa rin siyang gumagalaw. Huwag na kayong paloloko, idiretso n’yo na lang ang pera n’yo sa pamilya n’yo, huwag n’yo nang idaan sa grupo ni FLM na hanggang ngayon ay patuloy na nanloloko hindi lang sa Pinas kundi maging sa ibang bansa,” panawagan niya.
Kasalukuyan nang nakakulong si FLM sa kasong large scale of estafa. Ayon pa sa report, ginagamit nito ang kanyang charitable causes para mambiktima ng mga mayayamang Chinese businessmen na gustong mamuhunan sa Pilipinas.