AS OF YESTERDAY, medyo maganda na ang nakararating na balita sa amin tungkol sa kalagayan ni Diether Ocampo sa Amerika.
Ayon sa aming source, inilipat na raw ito ng kuwarto pero hindi pa rin nakapagsasalita. Wala pang karagdagang statement mula sa Star Magic kung ano ang tunay na dahilan nang pagkahimatay ng aktor.
Pina-echogram daw muna ito at baka may kinalaman daw ito sa kanyang puso. Meron ding nagsasabing baka epekto ito ng matinding anxiety disorder na matagal na niyang dinaramdam.
Napabalita rin noon na isinugod din si Diet sa hospital nang nasa Amerika ito dahil hirap daw itong makahinga.
Sana okay na nga ang kalagayan niya para maayos naman siyang makabalik dito sa atin.
Tuluy-tuloy pa rin ang show roon ng Star Magic talents kaugnay sa kanilang 17th anniversary, kung saan meron silang series of shows sa Amerika.
Nasa Ontario, California sila nang hinimatay si Diet at tumama pa ang ulo nito sa stage, kaya pina-CT scan din siya para matiyak na hindi naapektuhan ang kanyang ulo.
Patuloy tayong kumakalap ng update sa tunay na kalagayan ng aktor.
HINDI NA NGA natuloy ang pagbabalik ni Cristine Reyes sa GMA-7, dahil sa kontrata nito sa ABS-CBN 2 na meron silang first option to renew. Pero hindi naman nagpa-renew ang young actress sa Kapamilya network, kaya lang mananatili siya sa naturang network sa loob ng isang taon.
Ang nakarating na balita sa amin, may ibibigay namang programa sa kanya, pero kung patuloy pa rin daw ito sa pagiging pasaway, baka matengga na lang siya at frozen ang beauty niya sa loob ng isang taon.
Parang tanggap naman ni Cristine kung ‘yun ang desisyon sa kanya, basta hindi na siya babalik sa Banana Split, dahil talagang hindi nito kasundo ang mga katrabaho niya roon. Nagbitaw pa raw ito ng pahayag na ‘di bale na lang mawalan ng trabaho kung pababalikin pa siya ng Banana Split.
Sa totoo lang, nang lumipat si Cristine sa ABS-CBN 2, may ganu’n ding option ang kontrata nito sa GMA-7, pero hinayaan na lang siya at hindi na pinigilan kung talagang ayaw na nitong maging Kapuso talent. Pero ngayon, ginawa ito ng ABS-CBN 2 sa kanya, kaya wala siyang magagawa kundi hintayin na mawalan ito ng bisa bago siya bumalik sa Siyete.
Ganyan din ang nangyayari ngayon kay JC de Vera dahil as of my knowledge, hindi pa rin ni-renew ang kontrata niya sa GMA-7, pero hindi naman siya makalipat sa ibang network dahil may first option to renew ang kontrata nito sa Siyete. Kaya hintayin na lang ang isa pang taon kung tuluyan na ba niyang lilisanin ang GMA-7 at lilipat na ito sa kabila.
In fairness naman sa GMA-7, may programa pa rin naman si JC sa GMA-7 at hindi naman siya pinababayaan.
Samantala, nangunguna pa rin daw sa poll survey si Cristine Reyes sa FHM’s 100 sexiest woman of 2009. Mahigpit daw silang naglalaban ni Marian Rivera. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nakapagpo-pose sa cover ang huli.
Sa July 9 na ang grand launch nito sa gaganapin sa World Trade Center kaya abangan na lang kung sino sa kanila ang mangunguna at kung sino ang iba pang mapapasama sa 2009 100 Sexiest Women of the World ng FHM.
by Gorgy’s Park