Robi Domingo sa mga Botante: ‘Huwag Magpapabudol!’

Leo Bukas

PAGKATAPOS ni Angelica Panganiban, ang aktor na si Robi Domingo naman ang nagpayo sa mga botante na pumili nang tamang kandidato at huwag magpaloko sa mga mambubudol.

Nakipag-partner si Domingo sa Young Public Servants, isang grupo ng kabataan na nagsusulong ng good governance, sa paggawa ng video, kung saan tampok ang isang game show na may pamagat na “All or Nothing.”

Robi Domingo

Sa video, tinanong ni Domingo ang mga manoood ng tanong na may pagpipiliian: “Sa pagpili ng kandidato, ano ang gagawin mo?”

Matapos ibigay ang unang pagpipilian na “manghula”, pinayuhan ni Domingo ang mga botante ukol sa kanilang ihahalal sa darating na eleksyon. “We can’t fall for and be with the wrong period,” wika niya.

Sa ikalawang pagpipilian na “phone a friend”, pinag-iingat naman ni Domingo  ang mga manonood na huwag maniwala sa fake news at mga tsismis.

Pagdating sa ikatlong pagpipilian na “survey says”, sinabi ni Domingo na: “Hindi porke’t nangunguna ‘raw’, magaling na. Minsan magaling lang mambudol.”

Sa kanyang huling pagpipilia, sinabi ni Domingo na: “Piliin ang sigurado at may napatunayan na. May malinis na track record, palaging nandiyan, at hindi nagtatago.”

Pagkatapos, hinikayat ni Domingo ang mga botante na huwag maniwala sa Tik-Tok at pag-aralang maigi ang kanilang pipiliin, dahil nakadepende rito ang kanilang kinabukasan at ang kinabukasan ng bansa.

“Sa eleksyon ngayong Mayo, hindi lang isang milyong piso ang nakataya rito. Future mo at ng buong Pilipinas ang mababago,” ani Domingo.

“Kaya intindihin na ang mga kailangan. I-eliminate mo na iyong mga obvious naman na mali at huwag maniniwala sa mga pangakong ginto,” dagdag pa niya.

Bilang huling payo niya, sinabi ni Domingo sa mga botante na piliin ang mga lider na may kakayahan at huwag itong mga kilalang sinungaling at magnanakaw.

“Tandaan: huwag magpapabudol,” giit niya.

Previous articleAra Mina at Dave Almarinez na-delay ang paggawa ng baby
Next articleDimples Romana ipinagmalaki ang iniendorsong Santé Barley Max dahil sa kakaibang “power” nito