NILOKO ng contractor ng kanyang ipinapagawang bahay ang singer-comedienne na si K Brosas kaya sinampahan na niya ito ng kaso. Ang ipinapatayong bahay ang dream house sana ni K pero dahil sa nangyari mukhang mapupurnada na ito.
Ayon kay K, nagkaroon siya ng matinding anxiety at panic attacks nang malaman niya ang ginawa ng mga taong pinagkatiwalaan niya sa ipinapagawang bahay.
“Hindi ko na po alam kung nasaan na yung contractor ng bahay ko. Na-stress ako at nagka-panic attack na ako dahil sa kanya. One year na ako nakikipag-usap sa kanila na baka kung puwede isauli na lang yung pera pero walang nangyari,” kuwento ni K.
“Binisita ko yung bahay na ipinagagawa ko after the pandemic. Nanghina ako noong nakita ko yung property, hindi ko alam kung anong nangyari, kung bakit nagkaganu’n,” dagdag pa niya.
Umabot ng halos P7 million ang nailabas na pera ni K para sa bahay nibinigay niya sa contractor pero halos 35 percent pa lang daw ang natatapos dito.
“Pinag-ipunan ko yun at wala akong loan. Pamana ko dapat sa anak ko yung house. Napakasimple lang po ng bahay, wala pong swimming pool, para sa amin lang po ng anak ko. Ang pinaghandaan ko lang po du’n, ‘yung walking closet, tapos ‘yung mala-spa ng banyo. ‘Yun lang.
“Tapos, puro pangako. So, ‘yung anxiety disorder ko, nag-peak. Tapos, siyempre, mga naging kaibigan mo kaya mas masakit.
“Masakit kasi, ang tagal kong nakiusap, ang tagal kong nagmakaawa pero walang nangyari. Kailangan talagang umabot sa ganito, kasi parang wala nang respeto,” umiiyak niyang kuwento.
“Now I am back to zero at nag-iipon na naman uli ako para maipagawa ko na ang bahay ko,” patuloy niya.
Isang aral ang natutunan ni K Brosas sa nangyari na gusto niyang ibahagi sa lahat.
“You have to be vigilant when it comes to money matters, whether it’s with family or friends, because nothing’s certain. And I have only realized now the importance of seeking legal advice for your contracts, transactions … things that involve your hard-earned savings.
“Bahala na ang mga lawyer ko kung paano nila dapat ayusin ang problem na ito,” deklara pa ni K.