Maricel Soriano,’di pa tanggap ang pagkawala ng ina – Cristy Fermin

SUMAKABILANG-BUHAY SI Mommy Linda Martinez nu’ng nakaraang Hulyo, ilang linggo bago namayapa si dating Pangulong Cory Aquino. Mula noon, literal na araw-araw na nagpupunta sa Heritage Park Columbarium ang magkakapatid.

Pagkatapos nilang magsimba, nasa pinaglagakan na ng mga abo ni Mommy Linda ang magkakapatid na Beck-Beck, Maricel, Mike, Mel at ilan nilang malalapit na kaibigan, sinasamahan si Mommy Linda hanggang hatinggabi.

“Napakaganda ng place, parang garden siya, meron pang lagoon. Araw-araw kaming dumadalaw sa kanya, as in, everyday talaga,” kuwento ni Mel na bunso sa magkakapatid.

Sa huli naming pagkikita ng mga anak ni Mommy Linda, halatang hindi pa rin sila nakababawi sa matinding lungkot, nagpapakiramdaman lang silang magkakapatid. Pero ang totoo , puro pretensiyon ang nangyayari kapag magkakaharap na sila.

Kunwari’y matatapang sila, ayaw nilang magpakita sa isa’t isa na umiiyak. Pero sa kanilang pag-iisa, hindi lang iyak kundi hagulgol pa nga ang nagaganap.

Naaalala nila ang pagiging masayahin ni Mommy Linda, ang pagiging baklang-bakla kapag nagkakausap sila. Pati ang malutong na pagmumura bilang lambing ng kanilang ina, umaalingawngaw pa rin sa magkabilang tenga nila hanggang ngayon.

“Napakahirap mag-move on, bawat galaw mo, siya ang maaalala mo. Kapag nagkakausap kaming magkakapatid, may mga times na napapahinto kami sa pagsasalita, alam naming pare-pareho na si Mommy ang reason nu’n.

“Everyday, nandu’n kami sa Heritage, nagsisimba muna kami, pagkatapos, pumupunta na kami kay Mommy. Du’n na kami nagpapalipas ng gabi, merong coffee shop du’n, walang palya ang pagdalaw namin kay Mommy.

“Si Marya, nakakasama namin kapag Sunday o kapag wala siyang masyadong trabaho. Pare-pareho pa kaming hirap ngayon, napakahirap,” kuwento ng panganay na si Beck-Beck.

Dumating sa lamay si Willie Revillame, hindi maaaring tablahin ng TV host ang kaisa-isang babaeng nakamura sa kanya mula ulo hanggang paa, anak nina Willie at Beck-Beck si Meryll Soriano.

NU’NG KUMUSTAHIN NAMIN si Maricel Soriano, isang malalim na buntong-hininga lang ang kanyang isinagot sabay-iling. Napakahirap, sabi ni Maricel, dahil kahit ano ang gawin niya ngayon, naaalala niya si Mommy Linda.

Walang bumabagabag sa kanyang isip dahil alam ni Marya sa kanyang sarili na naibigay niya ang lahat-lahat kay Mommy Linda. Mula sa kanyang pagkabata ay nag-artista na siya, hindi sinarili lang ni Maricel ang mga biyaya dahil palagi niyang kasama sa kanyang plano ang pamilya nila.

Nakatatuwa nga ang magkakapatid na ito, sila-sila lang ang magkakabarkada. Kung saan nandu’n ang isa, para silang kuyog na magkakasama. Si Beck-Beck ang tumatayong sekretarya ni Marya, si Mike naman ang namamahala sa kanyang mga personal na kagamitan. Palagi rin nilang kasama si Mel na inaalalayan ng magkakapatid dahil hindi pa nagbubulalas ng pagluluksa ang bunso nilang kapatid hanggang ngayon.

“Wala pa ‘yung iyak talaga, lumuluha lang siya, kaya ‘yun ang inaalala namin kay Mel. Nasa tabi siya ni Mommy nu’ng mamatay, tinawag siya ni mommy, paglapit niya, ‘yun na ang paghugot niya ng last breath.

“Gusto namin siyang makitang umiiyak talaga para mailabas niya ang emotion niya. Bunso pa naman si Mel, laking-mommy talaga,” pag-aalala naman ni Mike.

Bago kami naghiwa-hiwalay ay sinabi sa amin ni Maricel, “Napakabigat sa dibdib. Hanggang ngayon, napakasakit pa rin. Wala akong pakialam sa ibang bagay, ang mommy ko lang ang laman ng puso ko ngayon.”

Kitang-kita namin ang gusto niyang tumbukin, hanggang ngayo’y wala pa ring ningning ang kanyang mga mata, nangangapa pa rin ang magaling na aktres sa buhay na kailangan niyang harapin at tanggapin ngayong wala na ang kanyang mahal na ina.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleEugene Domingo, ayaw sa retoke – Eddie Littlefield
Next articleSunshine Cruz at Cesar Montano, bawal maghiwalay – Chit Ramos

No posts to display