KAHIT ALL SUPPORT ang mga kaibigan sa showbiz ni Eugene Domingo may halong takot at tuwa ang nararamdaman niya sa kanyang launching movie na Kimmy Dora with Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo na dinirek ni Bb. Joyce Bernal.
“Natutuwa naman ako, bukal sa kanilang kalooban ang pagsuporta sa akin. Noong mga panahon na ako’y sumusuporta pa lang sa kanilang mga pelikula akala ko du’n na natapos. You will be surprised one day, ‘yung nga sinuportahan mo, susuportahan ka din. Priceless ‘yung ibinigay nilang support sa akin, hindi ko man maisa-isa pero nasa isip ko silang lahat. For the rest of my life I will never stop thanking them,” masayang sabi ni Eugene.
Ikaw ba ang nakiusap sa mga kaibigan mo artista para suportahan ka ? “Hati-hati na kami, si Direk Joyce (Bernal) nakiusap sa mga kaibigan niya. Ako naman sa mga kaibigan ko sa theater, mga artistang gustong makisama sa kalokohan, halo-halong effort ng mga kaibigan sa industriya. “
Inamin ni Eugene apektado siya sa hindi pagpapalabas ng pelikula niya sa SM cinema.“ I will not deny medyo may kaunti akong pag-alala pero kami naman ay hiwalay sa issue ‘yun kung ano man issue mayroon sila. Alam kong maayos ‘yan, inaasahan kong maipalabas kami sa mas maraming sinehan, ito’y para sa lahat.”
Posible kaya magkaroon ng intriga sa inyo ni Ai Ai delas Alas dahil bida ka na ?“ Puwede pero hindi kami mag-aaway kasi ang feeling ko matured na kaming mga tao para mag-concentrate pa sa ganitong bagay. Nararamdaman ko ‘yung kanyang endorsement sa Ruffa & Ai, saka ‘yung kanyang suporta kahit hindi ako humingi, alam kong pinagdarasal niya ito. In fact, ang industriya natin ngayon nangangailangan ng suporta sa isa’t isa. I mean, kapag tumingin tayo sa produkto, sa pelikula, hindi ‘yung titingin tayo sa ibang anggulo na pag-aawayin natin, iintrigahin ang mga artista. Kung maganda ang pelikula, maganda ang pelikula,” kuwento pa ni Eugene.
Sa estado ng pagiging komedyante ni Eugene masasabing natin hinog na ito sa karanasan pagdating sa comedy. Ibinigay na kaya niya nang todong-todo? “Sa dami ng natutunan ko siguro, marami pa akong matututunan after this movie. ‘Yung mga beteranong artista nakasama ko like Gloria Romero, Ms. Maricel Soriano, Ai Ai delas Alas, Nova Villa at mga veteran directors who handled me already. Lahat ng natutunan ko sa kanila nai-apply ko dito sa Kimmy Dora. Even sa aking theater training sa UP kung saan ako nagtapos, sana makita nila dito,” pahayag niya.
Ngayong bida na si Eugene, may possibility kayang magpa-retoke siya sa ilang bahagi ng kanyang mukha’t katawan ? “Ha! Ha! Ha! Parang huli na yata, never! I will never undergo that operation. Natutuwa ako ganito ang hitsura ko, sapat lang. Hindi ganu’n kaganda, hindi ganu’n kaasiwa. Sapat lang sa pang-araw-araw kong pangangailangan kasi naiibigan naman ng mga tao. Sa palagay ko, itong mukha kong ito, maaliwalas lalo na sa kumikitang kabuhayan,” biglang tumawa ng ng malakas ang magaling na komedyante,”aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield