TOTOONG IPINAKUHA NA ni Willie Revillame ang mga kagamitan niya sa ABS-CBN, hindi maaaring ikaila ‘yun dahil naka-log naman sa mga guwardiya ang pagpunta sa kanyang dressing room ng kanyang driver at sekretarya.
Pero OA naman ang kumalat na balita na pati ang flower vase sa kanyang dressing room ay ipinahakot na ni Willie, puro mga personal na kagamitan niya lang ang ipinakuha ng TV host.
Naiwanan niya du’n ang mga paborito niyang rubber shoes na sinadya niyang hindi iniuuwi pagkatapos ng Wowowee para anumang oras niyang gustong magpalit habang nasa ere siya ay nandu’n na agad.
Naiwanan niya rin du’n ang kanyang mga polo na isinusuot niya sa pakikipag-meeting, nandu’n ang mahahalaga niyang personal na gamit, kaya nu’ng magdesisyon siyang magpahinga sa programa ay ipinakuha niya ‘yun sa kanyang mga tauhan.
Ang pakahulugan ng marami sa pagpapahakot niya ng mga kagamitan sa dressing room ay hindi na siya babalik. Wala na raw siyang iniwanan du’n, tanda na wala na rin siyang planong bumalik pa sa istasyon.
Ang dressing room ni Willie sa ABS-CBN ay parang isang maliit na bahay na ang itsura. Meron siyang malaking sofa na higaan du’n, meron din siyang dining table, meron na rin siyang mga lalagyan ng damit sa may kusina ng dressing room.
Pagkatapos ng Wowowee ay nandu’n lang si Willie kapag wala siyang lakad, nagpapahinga lang siya du’n pagkatapos mag-host nang dalawa’t kalahating oras, du’n na rin nagpupuntahan ang kanyang mga kaibigan dahil kapag umuuwi na si Willie ay hindi na siya tumatanggap ng mga bisita sa kanyang bahay.
Ganu’n lang ang pang-araw-araw niyang ginagawa, studio-bahay lang ang ikot ng kanyang mundo, nagpupunta siya sa mismong site ng ipinagagawa niyang gusali kapag may kailangan silang pagdesisyunan ng kanyang contractor at arkitekto.
PINAGTAWANAN LANG NI Willie ang kuwentong kumakalat ngayon na ang mga ari-arian daw na naipupundar niya ay tagong yaman ni Vice-President Noli de Castro.
Para raw hindi masyadong kalampagin ng mga nag-iimbestiga ang mga ari-ariang meron ngayon ang vice-president ng bansa ay kailangang mailipat ang mga propedad nito sa ibang pangalan.
Si Willie raw ang front ni Kabayang Noli, sa kanyang pangalan daw nakalagay ngayon ang building na ipinagagawa sa may audience entrance ng ABS-CBN, pati raw ang mga bahay na nabibili ni Willie ay hanggang sa pangalan lang naman niya pero ang totoong may-ari nu’n ay si Vice-President Noli.
Sa pagsasabi ng ganu’n ay para namang hinuhubaran na natin si Willie, parang hindi na natin binibigyan ng pagpapahalaga ang araw-araw niyang pagho-host sa Wowowee na nagiging dahilan na nga ng kanyang pagkakasakit, parang hindi man lang natin binigyan ng kredito ang mga pagsisikap at pagsasakripisyo nu’ng tao kapag ganu’n ang pinalalabas ng iba.
Kayang-kayang bilhin at ipundar ni Willie ang kung anumang ari-ariang meron siya ngayon, hindi naman barya-barya lang ang kinikita niya araw-araw sa Wowowee, bukod pa ‘yun sa mga tinatanggap niyang talent fee sa pag-eendorso ng iba’t ibang produkto.
At hindi maaaring kuwestiyunin ang kayamanan ni Willie ngayon, nagbabayad siya ng tamang buwis, wala siyang dapat panagutan sa ating gobyerno dahil idinedeklara niya ang kanyang kinikita hanggang sa pinakahuling sentimo.
Kunsabagay, kahit ano na lang ngayon ay puwede nang ibintang kay Willie, sabi nga ng isang tindero ng buko na nakausap namin ay ang sarap-sarap kasing batuhin ngayon ni Willie dahil kumbaga sa puno ay hitik na hitik siya sa bunga.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin