SINO NGAYON ANG magsasabing sa Pinoy showbiz lang nangyayari ang mga kuwentong nakakaloka kung iisipin? May mga nagsasabing marumi raw ang mundo ng lokal na aliwan sa Pilipinas. Pero maraming Pinoy sa Amerika ang nagsasabing pumapangalawa lang tayo sa Hollywood, dahil mas matindi ang mga kontrobersiyang nagaganap sa mga artista du’n.
Sabi ng isang kaibigan naming sa Amerika na tinubuan ng puting buhok, “Mas matindi rito, parang laro lang ang kasal sa mga artista, palibhasa, dalawa-singko lang ang divorce dito.
“Buti nga riyan sa atin at bumibilang pa nang taon bago maghiwalay ang mga artista, rito, araw lang ang bibilangin mo. Basahin mo ang diyaryo ngayon, ikinasal si ganito at ganyan.
“Magbilang ka lang ng mga araw, magbasa ka uli ng diyaryo, hiwalay na ‘yung mga nagpakasal. Ganu’n sila, parang naglalaro lang sila ng jackstone kung magpakasal at maghiwalay rin agad,” kuwento ng aming kaibigan.
May bagong kuwento ang aming kaibigan tungkol sa pagkamatay ng King of Pop na si Michael Jackson. Bago raw pinakialaman ng pamilya ng Pop Icon kung ano na ang nagaganap sa kanyang bangkay na inootopsiya, una munang kinausap ng mga ito ang mga kasama sa bahay ni Michael.
“’Yung isang kamag-anak ng friend ko, nagtatrabaho siya sa opisina ni Michael nu’ng kalakasan pa ng kanyang singing career. Wala na siya sa poder ni Michael, ilang taon na siyang nagwo-work sa ibang opisina.
“Pero nakatanggap siya ng tawag mula sa mother ni Michael, ang akala naman nu’ng tao, e, matindi ang pagdadalamhati ng pamilya dahil namatayan nga sila!
“Alam mo ba kung ano’ng itinanong ng mommy ni Michael sa kanya? Saan daw ba itinatago ni Michael ang pera niya? Nag-check daw kasi sa bank ang mag-iina, pero wala namang pera sa banko si Michael, kaya inisip siguro nila na siguro, may safe na lang na pinaglalagyan ng pera niya sa bahay si Michael.
“Natural, ang sagot ng relative ng friend ko, e, hindi niya alam. Totoo naman kasing hindi na niya alam dahil matagal na siyang walang contact kay Michael!
“Imagine, ‘yung pera pa agad ang una nilang inintindi? Kani-kanyang hakot na rin sila ng mga kagamitan ngayon ni Michael, kinalbo na nila ang bahay nu’ng tao, nakakalungkot talaga,” pabuntong-hiningang kuwento ng aming kaibigan.
ANG MILYONARYONG SI Tom Baric ang nagmamay-ari ngayon ng Neverland ranch ni Michael Jackson sa Sta. Barbara. Ito ang sumalo sa utang ng King of Pop sa banko, tumataginting na dalawampu’t tatlong milyong dolyar ang sinagutan nito, para hindi mailit ang malawak na bakuran.
Nu’ng mamatay si Michael, ipinakalampag din pala ng pamilya ni Michael ang milyonaryong negosyante sa kanilang abogado. Ang tanong ng pamilya, kumpleto ba sa mga dokumento si Tom Baric para maiprisinta sa kanila na ito na nga ang legal na nagmamay-ari ng rancho ng namayapang King of Pop?
“Alam mo, hindi sila binigyan ng audience ni Tom Baric, instead, ipinadala lang sa kanila ang xerox copy ng mga dokumento para malaman nila na kahit singkong duling, wala nang participation sa Neverland ranch si Michael.
“Nakakaloka sila, ‘di ba? Mag-isang namuhay si Michael nu’ng nabubuhay pa, ni hindi nga nila nadadalaw man lang ‘yung tao, kaya kung sinu-sino na lang ang nakasama niya sa bahay.
“Pero ngayong patay na, saka nila pakikialaman ang mga properties na naiwan ni Michael, baka nga naman kasi may mahabol pa sila, nakakalungkot talaga,” sabi pa rin ng kaibigan namin.
At pumasok na sa aming kuwentuhan ang paghuhugas-kamay na ama ni Michael na si Joe Jackson, ang tatay na ayon kay Michael ay pinapalo siya kapag inaabot siya ng pagkabagot sa pagkanta. Humaharap ngayon sa media si G. Jackson na nagluluksa at parang magkasundung-magkasundo sila ni Michael nu’ng mamatay ang King of Pop.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin