Matapos ang mabilis na pagkalat ng Influenza A(H1N1), panic mode na ang maraming citizen of the Philippine Islands. At dahil may isang empleyado ng Kamara ang pinaghihinalaang namatay sa H1N1 virus, naghigpit ang Batasan Pambansa Complex para matiyak na hindi sila tuluyang mai-invade ng H1N1 virus na ‘yan. Pero kahit na maghigpit sila, wala pa rin silang laban sa ating chikadorang matinik. Dahil naipsulit niya ang kanyang radar na malupet na nakasagap na naman ng latest tsismis. Isa raw lady solon ang hindi kinaya ng mga miron, matapos niyang dedmahin ang thermal scanner sa harap mismo ng Batasan work force!
Ayon sa chikadorang malupet, dinaig pa ng mahabang pila papasok ng Batasan ang pila sa pagbili ng ilang salop na NFA rice. Dumaraan kasi sa isang hand-held thermal scanner ang lahat ng empleyado para matiyak na normal ang temperatura ng mga utaw. Bilang pagsunod na rin ito sa kautusan ni House Speaker Prospero Nograles at para na rin sa kapakanan ng lahat ng nagtatrabaho roon.
Wala naman daw sanang problema dahil kalusugan ng bawat isa ang nakataya. Ang kairita.com lang, kung ang mga ordinary citizen, eh, ininda ang init at haba ng pila, nakadidismayang ang bidang lady solon, eh, nagreyna-reynahan at dinedma ang prosesong iniutos mismo ng kanyang bosing.
Sa North Wing nga raw ng Kamara, walang nagawa ang mga security guard sa pagtanggi ng ating bida na sumailalim sa proseso. Napailing na lang ang mga ito dahil harap-harapang ipinamukha ng mambabatas sa madla na nagpi-feeling siyang may immunity, na para bang sinasabi niya na hindi siya kakapitan ng virus, eh, tao rin lang naman siya in the first place.
Sabagay… baka matakot ang virus sa tindi ng amoy ng prutas na sikat sa lugar niya…. May ganun?!