“Ang galing niyang humalik” – Ejay Falcon on Erich Gonzales

SAYANG AT HINDI nakarating si Alma Moreno sa celebration na ginanap sa Sta. Rita Church (Baclaran) kaugnay ng piyesta ng kanilang patron noong Biyernes. Hindi niya tuloy nakita ang naglalakihang banner kung saan siya binabati ng mga Parañaque constituents sa kanyang nalalapit na kaarawan.

‘Happy Birthday ALMA MORENO-SALIC!’ ang nakalagay sa mga banners. Ginagamit na pala ni Alma ang family name ni Mayor Fajad Salic ngayon. For the first time ito, dahil sa dalawang nakaraan niyang relasyon, minus their family names ang kini-carry niya. Tanging Alma Moreno ang kanyang ginamit. Iba talaga ang dating ng pagiging misis ni Mayor Fajad niya ngayon.

Sinusumpong-sumpong na naman kasi si Alma ng kanyang multiple sclerosis. Kung inyong naalaala, una itong naramdaman ni Alma mahigit tatlong taon na ang nakararaan. When it was first diagnosed, pumunta si Alma sa ibang bansa para magpagamot. Pero, wala palang operasyon na puwedeng isagawa para gumaling ang ganitong karamdaman.

Ayon sa New Webster Dictionary, ang sclerosis ay “hardening of the organs as a result of excessive growth of connective tissues.” Nang gabing iyon, naninigas ang kanyang nerves, nanakit ang ulo na may kasamang pagkahilo. Tanging pain reliever ang puwedeng ipainom sa kanya. Sinamahan siya ng kanyang mister para alamin kung ano ang posibleng gawin para malunasan ang dinaramdam niya. Pero, ganu’n din ang resulta. Binantayan siya ni Mayor Fajad at nakatulong ito para maibsan ang nararamdaman niyang sakit.

Pinakiusapan nga pala ni Alma ang pamangkin niyang si Kristel Moreno, anak na sina Vandolf at Wynwyn para i-represent siya sa mga bisita ng simbahan.

Kakaibang celebration naman ang handog nina Alma at Mayor Fajad sa mga taga-Parañaque. Sa halip na magtanghal ng isang show na tatampukan ng mga sikat na artista sa pelikula at telebisyon, minabuti nilang magpakain na lamang sa lahat ng bumati sa may kaarawan.

PAREHO-PAREHONG MULA SA sa broken families ang mga bida ng Katorse, bagong teleserye sa ABS-CBN na magsisimula sa June 18, at pinagbibidahan nina Erich Gonzales, Ejay Falcon ng PBB (Teen Edition) at Xian Lim.

“Sinubukan ko po na magkabalikan sila, pero, hindi po ako nagtagumpay,” pagtatapat ni Ejay na noong nasa Bahay ni Kuya, hindi talaga kinakitaan ng talent sa pag-arte.

“Ang sakit po noong nababalitaan kong hinuhusgahan na po ako agad. Masakit po, kaya tinulungan ko po ang aking sarili. Sinikap kong pagbutihin ang tulong na ibinigay sa akin ng ABS. Una po ‘yung personality development dahil promding-promdi po ako. Pinagbuti ko rin po ang workshop na ibinigay sa akin ni Gina Alajar. Ang dami kong in-undergo na bagay-bagay para mapatunayan ko na hindi masasayang ang kanilang tulong. Sa loob po ng 11 buwan, ito po ang ginawa ko.

“Salamat din po kina John Brillates, Sir Biboy, Sir Deo at ng manager kong si Benjie Alipio dahil hindi sila nawalan ng pag-asa. Ngayon, handa na po ako.

“Salamat din po kay Erich Gozales, dahil ang galing niyang humalik. First time ko pong humalik at ganu’n din po pala si Erich.

“Pati kay KC Concepcion, thanks din po. Kasi siya pa po ang unang lumapit sa akin at nagpakilala nang magkasama kami sa May Bukas Pa. Kinilig din po ako, lalo na nang bineso-beso niya ako.”

Napahagulgol  naman si Erich nang ikuwentong namatay na pala ang kanyang Papa nang hindi man lang niya alam kung paano. “Bata pa po ako nang maghiwalay ang parents ko. Nitong nanalo lang po ako sa SCQ kami nagkita ng Papa ko. Hindi po nagkaroon ng pangalawa. Tapos ang sumunod, patay na pala siya.”

Nasa poder naman ng kanyang ina ngayon ang sikat palang basketbolista at modelong si Xian. “Tulad ni Ejay, sinubukan kong kumbinsihin ang parents ko na magbalikan, pero walang nangyari.”

Si Xian ang nababalitang masugid na manliligaw ni Erich ngayon.

Sila ang bagong Dina Bonnie, Gabby Concepcion at Alfie Anido ng ABS ngayon.

BULL Chit!
by Chit Ramos

Previous articleDra. Vicky Belo, nothing to hide
Next articleBaron Geisler’s harrassed Yasmien Kurdi?

No posts to display