MALAPIT NA naman ang halalan para sa pagka-pangulo sa darating na 2016 kaya marami na namang mga pinapangalanan na posibleng malakas na tatakbo sa pagka-pangulo. Ang mga nakaiinis lang ay ‘yung mga “panggulo” sa usapang “pangulo”.
Ayon sa huling survey na ginawa ng Pulse Asia hinggil sa napupusuang maging pangulo ng may lagpas sa isang libong residenteng natanong sa buong kalakhang Maynila, iba-iba ang mga personalidad na gustong maging presidente ng mga ito na karamihan ay sangkot sa iba’t ibang isyu ngayon sa ating pamahalaan.
Talaga yatang mahilig tayong mga Pilipino sa mga teleserye dahil ang laging gusto natin sa buhay ay ‘yung maraming problema, kontrabida, iyakan at padadalamhati. Ito kasi ang pupuntahan na naman natin kung sakaling makaupo na naman sa pagka-pangulo ang isang “panggulo”.
Sa artikulong ito ay subukan nating pag-usapan ang isang kandidato kung siya ay “pangulo” o “panggulo”. Sa pagtatasang ito ay sulyapan natin ang nakaraan, kasalukuyan at ang hinaharap.
AYON KAY Atty. Modesto Ticman na abogado ni Gloria Macapagal-Arroyo, pinayagan ng anti-graft court ang dating pangulo na makalabas ng Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) at sumailalim sa tinatawag na “urodynamic testing” o UDT sa St. Luke’s Medical Center, bungsod ng paghina ng katawan nito at inirereklamong hirap sa pag-ihi.
Ang hirap talaga ng kalagayan ni Arroyo ngayon. Sa katunayan ay marami na ring naawa at nakisimpatya sa kanyang kalagayan kabilang ang mga sumusunod na personalidad gaya nina dating Pangulong Fidel Ramos at Joseph Estrada, dating Vice President Noli de Castro, Jesus is Lord leader Eddie Villanueva, former AFP Chief of Intelligence Service Victor Corpus, Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, Lipa City Archbishop Ramon Arguelles, El Shaddai leader Mike Velarde, at ang dating First Lady at kasalukuyang Ilocos Norte 2nd District Representative Imelda Marcos.
Minsan mapag-iisip ka na rin kung ang papasukin mo ba bilang pangulo ng bansa ay sakit lang ng ulo. Mabuti na rin sa isang banda na maging babala ang nangyari kay Arroyo sa mga pulitikong nangangarap maghasik ng lagim sa loob ng Palasyo ng punong ehekutibo.
Si Arroyo ay nahaharap ngayon sa mga kasong pandarambong o plunder charges na may kinalaman sa hinihinalang P366 million Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) scam. Mula pa noong October 2012 ay nakadetine na si Arroyo sa tinatawag na hospital arrest sa VMMC.
Maging aral din sana sa ating mga botante ang pagpili ng matapat na pangulo at bukas sa publiko ang katauhan, kayamanan at puso nito sa bayan.
SA KASALUKUYAN ay isinusulong ni Senator Antonio Trillanes IV ang pagpapasa sa batas hinggil sa Salary Standardization na magtataas ng sahod ng mga manggagawa sa gobyerno mula sa pinakamababang kawani hanggang sa pagka-pangulo.
Ang salary grade 1 ay tataas sa P16,000.00 mula sa P9,000.00 kada buwanang sahod. Ang pangulo naman ng bansa ay tatanggap ng P1 milyon mula sa dating P120,000.00. Sa ganitong sistema ay mas darami na yata ang mag-aambisyong maging pangulo ng bansa. Siyempre pa ay mas darami rin ang mga “panggulo”.
Dapat siguro ay gumawa ng batas na ang magiging pangulo ng Pilipinas sa loob ng anim na taon ay walang suweldo at hindi yayaman. Ang pamahalaan na ang bahala sa lahat ng kanyang gastusin habang siya ay pangulo sa ilalim ng kundisyon na wala siyang ari-ariang mabibili at hindi rin lalaki ang kanyang net worth habang siya ay pangulo.
Sa ganitong sistema ay tunay na magiging boluntaryo ang serbisyo publiko. Tututok din lang ang pangulo sa kapakanan ng bayan at hindi sa sarili. Maiiwasan na rin na malagay sa piitan ang isang dating pinakamahalagang tao sa gobyerno pagbaba nito sa puwesto.
SA SURVEY na inilabas ng Pulse Asia hinggil sa mga kanididatong malakas ang tyansang manalo sa pagkapangulo ay pumangatlo si Senadora Mirriam Defensor-Santiago sa listahan. Dati na ring tumakbo sa pagkapangulo si Santiago ngunit natalo ito kay dating Pangulong Ramos. Dahil dito ay inakusahan din niya sa oplan “dagdag-bawas” si Ramos.
Sa kanyang keynote speech sa commencement exercises ng University of the Philippines Cebu noong nakaraang Miyerkules, April 30, sinabi ni Santiago na tatakbo siya ulit sa pagkapangulo sa 2016 sa isang kundisyon. Ito ay kung mapaparusahan ang mga Senador, Kongresista at ilang kawani ng gobyerno sa kinakaharap nilang kaso ngayon hinggil sa paglustay ng pondo ng pork barrel.
Hindi raw niya kayang patakbuhin nang maayos ang gobyerno kung may mga kasamahan siya ritong magnanakaw at manggagantso. Sinabi rin niyang dapat ay magkaroon ulit ng isang babaeng pangulo ang Pilipinas dahil mahuhusay silang magpabuti ng antas ng pamumuhay, gaya lang ng isang ina sa tahanan. Napapabuti rin daw nila ang antas at kalidad ng edukasyon gaya rin ng isang ina sa kanyang anak.
MAGING MAPANURI tayo ngayon pa lang sa mga kandidatong lalaban sa 2016 dahil ang kinabukasan ng ating mga anak ang nakasalalay rito!
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo