NAGING CENTER OF attraction sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa ginanap na thanksgiving party ng GMA 7 para sa mga taga-advertising agencies na patuloy na sumusuporta sa nasabing media network.
Bukod kasi sa sila ang itinuturing na ‘hottest properties’ ng network, eh talaga namang pinagkaguluhan sila ng mga nag-uusyoso.
“Masarap silang panoorin,” tsika ng aming impormante. “Tsaka curious kami kung sila nga talaga matapos na halikan ni Dingdong sa labi si Marian noong nasa Showbiz Central sila,” hirit pa ng isa.
Sa nasabing okasyon, lahat ng nakasaksi sa sweetness at pagiging komportable ng dalawa sa isa’t-isa ay sumasang-ayon na ‘more than friends’ nga sila.
Well, siguro naman ay obvious sa naging opening salvo ng bago nilang teleseryeng Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang ang mga pagtatanong nating ‘hottest commodities’ nga sina Marian at Dong sa mundo ng telebisyon ngayon.
NAKARATING NA RIN sa kaalaman ni Sam Milby ang diumano’y ‘inis’ sa kanya ni Uma Khouney hinggil sa ginawa nitong pagturo sa common friend nilang si Say Alonzo na siyang nagpapunta diumano sa binata sa taping ng isang programa sa GMA 7.
“Bad trip” nga ang reaksiyong naiparating kay Sam mula kay Uma na diumano’y nagsabi pang ‘hate nito ang mga lalaking nagtatago sa palda ng mga babae.’
Si Sam diumano ang kusang kumontak at dumalaw sa nasabing dati nilang kasamahan at kaibigan sa PBB, pero nang maglabasan nga ang mga balita, at naintrigang isang Kapuso talent ang dinalaw ni Sam, bigla raw itong kumambiyo at nagturong si Say nga ang nagpapunta sa kanya roon.
Nang amin itong i-klaro kay Sam, isang ngiti lang isinagot nito na nakasanayan na naming paraan niya ng hindi pagpatol pa sa isyu.
Kilala namin si Papa Sam at mas malapit kami rito kesa kina Say at Uma. Sa kanilang tatlo, higit na may karir na dapat pangalagaan ang una at ‘yun lang ang naisip naming marahil kanyang ikinukunsidera para huwag nang patulan at pahabain pa ang isyu.
Basta kami, maligayang-maligaya sa latest endeavor ni Papa Sam. Outside showbiz, patuloy siyang nagsisilbi bilang isang good role model lalo na sa mga kabataan. Nang magkita kami nito sa World Vision presscon, nakilala namin ang dalawang ‘inampon’ niyang mga bata para tulungang makapag-aral.
Then eventually, he announced na magiging apat na ito sa malao’t madali, dahil bukod sa kanyang layuning makatulong, likas na mahilig sa mga bata ang sikat na actor-singer.
Magkakasama na sila nina Christian Bautista, Raymond Sajor, Sam Concepcion, Nikki Gil, Karen Davila, Miriam Quiambao at Charice Pempengco bilang mga bagong celebirty endorsers ng World Vision. Lahat sila ay may pinag-aaral na mga bata, just like Kris Aquino who already sent 38 children to school.
Layunin ng naturang organisasyon na makahanap ng mga sponsors para sa 9,000 batang na-identify nila na nangangailangan ng tulong pang-edukasyon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaari po kayong kumontak sa World Vision office: (+632) 372.7777 / 374.7660 o sa website nitong: worldvision.org.ph. o [email protected].
Showbiz Ambus
by Ambet Nabus