BASTA TSISMIS, TOTOONG authority na si Kris Aquino. Bagay na bagay ang pagka-hard-hitting nila ni Boy Abunda sa SNN (Showbiz News Ngayon) ng ABS-CBN sa Primetime Bida.
Imagine, mula lang sa chikahan noon sa Boy & Kris with Nina, nadulas lang ito sa hinanakit sa kinasapitan ng relasyon nila ni Nyoy Volante, nagka-idea na si Kris ng kakaibang anggulo roon.
Wala na ang Boy & Kris at namamayagpag na ang dalawang hosts nito sa primetime ng Dos, pero na-pursue ni Kris ang kakaibang istorya nito.
Ito ang bombang pinag-uusapan ngayon sa apat na sulok ng showbiz. Tiyempong sa paghihiwalay nina Nina at Nyoy, nag-isyu raw ang huli ng talbog na tseke kaugnay ng utang nito sa dating GF na umabot sa P1.4M.
Lumalabas sa inside story na ibinahagi ni Kris sa amin nang mapasyal kami sa live telecast ng SNN na ang “kagagahan” ni Nina sa pag-ibig, as what she actually claims, ay bunga ng paghahanap din ni Nyoy ng sobra-sobra sa pera. Isinali raw ang perang nautang na ito sa isang pyramiding, na katulad sa iba’y humantong din sa scam, ikinasira ng buhay ng marami, at sa kaso nina Nyoy at Nina, ang kanilang relasyon ang lubhang naapektuhan.
Bombang sumambulat ang dahilan ng kaguluhan sa anggulong Nyoy-Nina. Pero, gustong maiyak ni Nina kay Kris nang sabihin niya rito na ang naunang na-involve sa minsang tinaguriang acoustics superstar na si Jimmy Bondoc ay nangutang din daw kay Nina at hindi nito nababayaran.
Lumalabas na nadedenggoy (o nagpapadenggoy) si Nina sa mga nagiging dyowa niya. May kilala kaming sexy actress na ganito ang drama sa lalaki, at ang dalawang na-link sa kanyang male celebrities ay parehong umutang sa kanya na hanggang ngayon, tila wala nang balak pang bayaran siya.
Hay, naku, may mga babae talagang masahol pa sa bading, na all mine to give pagdating sa datung!
GINARANTIYA NI BOY Abunda na bagamat disappointed siya sa sinapit ni Keanna Reeves na mina-manage niya ang career, tutulungan niya ito nang sa gayo’y hindi na bumalik pa sa pag-e-escort service.
Ipinagtapat ni Kuya Boy sa amin nang maungkat sa “SNN” ang situwasyon ni Keanna na more than her career, ‘yung malaking pagbabago sa character at personalidad nito ang higit na mahalaga.
Sapat na raw ‘yung natuto itong magpundar ng ilang properties at maliliit na negosyo (karitong tindahang naglalako ng siopao) na bawat isa, ayon kay Kuya Boy, ay kumikita ng one thousand pesos. Sa apat na karitong ito ni Keanna, nakatitiyak na ito ng, more or less, four thou na makapantatawid ng gutom niya, more than enough reason na huwag na siyang magbalik pa sa pag-e-escort service.
Nangyayari naman daw ‘yun sa ibang talents, na kahit siya pa ang nagma-manage, ang mismong talent lang naman ang makagagawa rin ng paraan para maisaayos ang kanyang buhay.
Masuwerte si Keanna, na kahit lagi nang problema ang kanyang attitude, ayon sa analysis ni Kuya Boy, nasa likod pa rin niya ang mabait na manager at handa siyang tulungan.
Sana, tulungan naman nang husto ni Keanna ang sarili niya, ‘noh!
Calm Ever
Archie de Calma