Anak sa Labas, Naghahabol ng Mana

Dear Atty. Acosta,

 

NAGKAROON PO ako ng relasyon sa isang lalaki na may asawa. Kinilala po niya ang bata, sinuportahan at pinag-aral. Makalipas ang 10 taon, namatay ang ama ng anak ko. Nalaman ng legal niyang pamilya, asawa at dalawang anak, ang tungkol sa relasyon namin. Galit na galit sa amin ang kanyang pamilya at hindi kami pinayagang makita man lamang ang kanyang labi. Ang tanong ko po, ngayong patay na ang ama ng aking anak, mayroon po ba siyang karapatang magmana sa kanyang ama kahit abot langit ang pagtanggi ng kanyang legal na pamilya na may mamanahin ang aking anak? Marami pong pag-aaring bahay at lupa ang kanyang ama, mga sasakyan, at mga kasangkapan. Sana masagot ninyo ako para naman malaman ko ang aking gagawin para na rin sa aking anak.

 

Nunila

 

Dear Nunila,

 

DAHIL WALA kang nabanggit sa iyong salaysay na last will and testament o huling habilin na isinagawa ng ama ng iyong anak, ipagpapalagay naming wala ngang ganitong dokumento. Ganoon din, malinaw sa iyong paglalahad na kinilala ang iyong anak ng kanyang ama. Kung magkaganun, bagama’t hindi lehitimo ang kanilang relasyon, siya ay anak ng huli. Dahil dito, mayroon siyang karapatang magmana sa kanyang ama sang-ayon na rin sa umiiral na batas, kahit na walang huling habilin o last will and testament ang kanyang ama na nagkakaloob ng pamana sa kanya.

Sang-ayon sa batas, ang mga sumusunod ay ang mga itinuturing na compulsory heirs o mga tagapagmanang itinatakda ng batas na hindi maaaring tanggalan o mawalan ng mana, maliban na lamang sa mga sinasaad ng batas:

“Art. 887. The following are compulsory heirs:

(1) Legitimate children and descendants, with respect to their legitimate parents and ascendants;

(2) In default of the foregoing, legitimate parents and ascendants, with respect to their legitimate children and descendants;

(3) The widow or widower;

(4) Acknowledged natural children, and natural children by legal fiction;

(5) Other illegitimate children referred to in Article 287.”

Ang mamanahin ng iyong anak ay kalahati ng mamanahin ng lehitimong anak (Article 176 of the Family Code as amended by Republic Act No. 9255).

Ganun pa man, kailangang hindi maapektuhan ang tinatawag na legitime ng mga compulsory heirs gaya ng lehitimong anak at asawa. Ang legitime ay bahagi ng ari-arian ng isang tao na inirereserba o pinoprotektahan ng batas para sa mga compulsory heirs (Article 886 of the New Civil Code of the Philippines).

Samakatwid, walang katotohanan ang sinasabi ng legal na pamilya ng ama ng iyong anak. May karapatan ang iyong anak na maghabol sa mga ari-ariang naiwan ng kanyang ama. Dahil sa malaki ang posibilidad na hindi makipagkasundo ang pamilya ng kanyang ama para sa paghahati ng naiwang ari-arian, maaari kayong dumulog sa korte para ito na ang magbahagi ng nasabing pamana sa mga tagapagmana ng ama ng iyong anak.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleChristmas Feels
Next articleGarapalan Sa Political AD

No posts to display