Jennylyn Mercado, ibang level na ang pagiging aktres

Jennylyn Mercado
Jennylyn Mercado

Nadadaan ni Jennylyn Mercado sa tiyaga ang kasikatan na ine-enjoy niya ngayon. Maganda ang pangangalaga sa kanya ng GMA-7, pero dahil hindi pa niya talaga panahon ay naungusan siya ng kasikatan ni Marian Rivera na tinawag na Primetime Queen ng Kapuso network.

Hindi tinawag na reyna si Jen, pero sa halip na ipagmukmok niya iyon ay ipinagpatuloy niya ang sarili niyang istilo bilang artista para magmarka, hindi lang sa bakuran ng kanyang home studio, kundi sa buong showbiz na rin mismo. Dahil pinanindigan niya ang pangarap niyang maging artista.

Kahit pa sino ang mga sumisikat ngayon sa GMA at tawaging reyna, hindi intensiyon ni Jennylyn ang makipagkumpitensiya. Basta para sa kanya, magmula nang mabuntis siya ni Patrick Garcia at maging single mom, trabaho ang gusto niyang pagtuunan ng pansin.

Hindi naman siya nabigo, dahil pagkatapos niyang manganak ay bukas pa rin ang showbiz sa kanyang pagbabalik. Importante para sa kanya, na diretso siyang nagkaroon ng trabaho at hindi rin siya dumadaing sa pagod, dahil trabaho ang hiningi niya.

Ilang ulit nang nanalong Best Actress si Jennylyn. Hindi niya ipinagyayabang iyon para ipamukha na may marka na talaga siya sa showbiz bilang aktres. Kasipagan pa rin ang kanyang pinaiiral.

Hindi naman nagkamali si Jen sa kanyang kasipagan, dahil leading lady na siya ni John Lloyd Cruz sa pelikulang “Just The 3 of Us” ng Star Cinema. Big star si JLC ng Kapamilya Network at ng buong showbiz.  Hindi basta-basta aktres ang mga ipinapareha sa kanya dahil sa laki na ng kanyang pagiging actor.

Kaya ang level na ngayon ni Jennylyn Mercado, hindi basta-basta lang na aktres.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleRosanna Roces, instrumento sa pagbabagong-buhay ang lesbian partner
Next articleFrancis Magundayao, mayroon ding video scandal?

No posts to display